"..tsinelas ka, paa ako.."
Hindi mapatid ang nararamdaman sa haba ng panahon, ngunit hindi rin maikukubli ang sakit ng nakaraan at takot na baka masaktan muli. Sa hinaba haba ng oras sa isang araw, hindi ko maiwasan na maalala sya. Sino sya? Sa madaling sabi, sya ang pinaka-espesyal na tao na minsang naging bahagi ng aking buhay. Hindi man sya ang madalas kong tukuyin sa mga blogs ko, ngunit ni minsa'y hindi nawala sa isipan. Mistulang tinunaw na ng panahon ang alaala na naging parte na ng aking pagkatao, subalit hindi ang pagmamahal na minsang naramdaman.
Siguro nga hindi nawala. Siguro kahit na napakarami ng nangyari, dumating, nagdaan, at nabago, hindi nabawasan ang nararamdamang lulan ng kahapon. Hindi nawala, natabunan lang. Kung kaya lang ng mga paa ko, gamit ang mga tsinelas, na balikan ang panahong aking pinalagpas, 'di sana'y nasagot na ang mga katanungan ko. Kung ang naging buhay ko sana ay tulad ng relasyon ng paa at tsinelas, malamang hanggang ngayon kasama ko parin ang nag-iisang taong nagturo saaken kung papano maglakad sa buhay patungo sa tamang daan. Sa katunayan, masaya naman ang mabuhay ng wala sya. Masaya naman ang buhay kahit na alam kong minsan, may tao akong kinalimutan para sa kinabukasan ng marami. Masayang masaya.. pero hindi siguro kasing saya kong natutunan kong.......... hayaan nalang natin.
Malapit ng mag sampong taon ang paghihintay na akala kong may kahihinatnan. Siguro panahon na upang tuluyang ibaon sa limot ang lahat. Marahil kelangang itago na ang tsinelas at simulan na ang paghahanap sa kapareha ng aking sapatos.
"Tayong dalawa ay parang relasyon ng paa at tsinelas. Tsinelas ka, paa ako. Hindi kaya ni paa na wala si tsinelas, at higit sa lahat.. masakit para kay paa na walang tsinelas."
- Cetti, 2005
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento